Tulong pang-edukasyon handog ng DOST para sa Saletino

SANTIAGO CITY – Nagsagawa ng orientation ang Department of Science and Technology patungkol sa handog nilang iskolarship sa kanilang 2025 Junior Level Science Scholarship (JLSS) Program para sa mga Saletinong magsisipag-3rd year sa University of La Salette, New Gymnasium noong, Mayo 15.

Pinangunahan ng Project Technical Assistant I ng rehiyon Dos na si Angelo V. Capurian kasama sina Anzon F. Babaran at Engr. Kyrvie Elisia L. Baguion ang nasabing kaganapan na dinaluhan ng mahigit 200 mag-aaral na naka-enroll sa programa ng STEM ng unibersidad.

“Kailangan mag-secure ka na dapat for incoming third year regular students,” sagot ni Capurian sa tanong kung maaari pa rin bang makapag-apply ang mga mag-aaral na dating irregular.

Layunin ng DOST na matulungan ang mga karapat-dapat na mag-aaral na na may problemang pinansyal. Base sa nakasaad sa Republic Act 7687 Scholarship, ang taunang sahod ng pamilya ay hindi dapat lalagpas sa limitasyon ng rehiyon sa “Threshold o Linya ng Kahirapan” upang mapabilang sa scholarship.

Nararapat din na ang mag-aaral ay may 83% na General Weighted Average at walang bagsak na marka sa kanilang grado simula first year hanggang sa unang semester ng kanilang second year upang sila ay makapag-apply.

“As long as qualified naman kayo doon sa requirements namin, pwede naman po,” ayon sa PTA I nang tanungin kung maaari pa rin bang makapag-apply ang mga mag-aaral na kumuha ng ibang kurso noon.

Nagsimula ang aplikasyon para sa iskolar noong Abril 21 at magtatapos sa Mayo 23 ng kasalukuyang taon at magkakaroon ng qualifying exam sa Hulyo 17 bago ilabas ang opisyal na listahan ng mga kasama sa iskolar.

#SDG4QualityEducation

#SDG17PartnershipfortheGoals

Share this post
Facebook
Twitter
LinkedIn
WhatsApp