Pagninilay at Layunin: ‘Spiritual Renewal’ sa ULS para sa Mahal na Araw

Ni Lemar Torres

Sa isang makahulugang paggunita ng unang araw ng Mahal na Araw at huling linggo ng Kuwaresma, idinaos ng University of La Salette, Inc. ang isang ‘Lenten Recollection’ kasama ang mga kawani ng pamantasan noong Lunes, ika-14 ng Abril ng kasalukuyang taon.

Layunin ng programa na sariwain ang diwa ng pagpapakumbaba at pagbabagong-loob sa pagpasok ng Semana Santa.

Ang temang “spiritual renewal and reconciliation” ang naging sentro ng taunang recollection, na pinangunahan ni Reverend Father Jansen Ronquillo, MS, na nagsilbing panauhing tagapagsalita.

Sa kanyang mensahe, hinimok ni Father Ronquillo ang mga dumalo na magnilay sa kanilang buhay at hanapin ang kanilang “Ikigai” o layunin. Ibinahagi niya kung paano nakatulong ang konsepto ng Ikigai sa kanyang sariling paglalakbay bilang pari at anak ng Diyos.

“May pag-asa pa kay Hesus. Babaguhin ka ng pag-ibig (ng Diyos). Babaguhin kita,” mariing pahayag ni Father Ronquillo sa kanyang homiliya, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pakikipagkapwa-tao at ang matibay na relasyon sa Panginoon.

Kasamang dumalo sa naturang pagtitipon ang mga administrators, college deans, mga guro, at ang mga kinatawan ng non-teaching personnel ng paaralan, na ginanap sa Center for Professional Development building.

Bahagi ng programa ang pagdaraos ng misa at kumpisal upang mapaigting ang layunin at diwa ng taunang Lenten Recollection.

Sa pagtatapos ng programa, nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Vice President for Academic Affairs, Madeilyn Estacio, Ph.D., kay Father Ronquillo sa kanyang makabuluhang mensahe at paglalaan ng oras para sa ULS bilang panauhing pandangal.

Hinikayat rin niya ang lahat na gamitin ang natitirang araw ng Kuwaresma upang magnilay at isabuhay ang mga aral na ibinahagi sa recollection.

Ni Lemar Torres

Mga larawan: https://www.facebook.com/share/p/16UvyDBneu

#SDG3GoodHealthandWellBeing

#KapyaSaletino

Share this post
Facebook
Twitter
LinkedIn
WhatsApp